CANORECO Balita

CANORECO, Ipinagdiwang ang National Line Workers’ Appreciation Day

Matagumpay na ipinagdiwang ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) ang National Line Workers’ Appreciation Day noong ika-4 ng Agosto 2025, Lunes. Kasabay ng selebrasyong ito, nakiisa ang lahat ng Electric Cooperatives sa buong bansa sa pangunguna ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA), katuwang ang National Electrification Administration (NEA).

Ang lokal na pagdiriwang ay ginanap sa ikalawang palapag ng CANORECO Building sa Area 1 Office sa bayan ng Daet. Inorganisa ito ng Human Resources and Administration Division ng Institutional Services Department ng CANORECO, katuwang ang Technical Services Department at mga Area Office na nagpadala ng kani-kanilang Line Workers upang lumahok sa aktibidad.

Dumalo sa programa sina CANORECO Board of Directors President Engr. Fernando N. Cruz at General Manager Zandro R. Gestiada upang personal na magpaabot ng suporta at pasasalamat sa mga Line Workers ng Kooperatiba.

Kasabay nito ang paglahok sa online program na pinangunahan ng PHILRECA, kung saan nagbigay ng mensahe sina NEA Administrator Antonio Mariano C. Almeda, PHILRECA President Jose Raul A. Saniel, PhilRECA Party-list Representative Presley C. De Jesus, at APEC Party-list Representative Sergio C. Dagooc bilang pagkilala sa sakripisyo at dedikasyon ng mga Line Workers.

Bilang bahagi ng lokal na selebrasyon, idinaos din ang seminar na pinangunahan nina WFive Safety Consultancy and Training Services Lead Trainer/Consultant Jason S. Wayet, BENECO CWO Eric De Guzman, at University of Perpetual Help DALTA Assistant Professor IV Charie Jane M. Lao. Layunin nitong magbigay ng dagdag kaalaman at kasanayan upang higit pang maging epektibo ang mga Line Workers sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Upang magbigay saya at dagdag insentibo, nagsagawa ang PHILRECA ng mga palaro at raffle draw para sa mga kalahok. Samantala, bilang pagpapahalaga sa kanilang walang sawang serbisyo, tumanggap ang mga Line Workers ng token at regalo mula sa CANORECO bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagtiyak na patuloy na may ilaw ang bawat tahanan at negosyo ng mga Member-Consumer-Owners (MCOs) ng Kooperatiba.