Daet, Camarines Norte — Naglabas ng opisyal na paalala ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) sa lahat ng Senior Citizen Member-Consumer-Owners (MCOs) na nakapag-avail na ng Senior Citizen Discount sa power bill noong mga nakaraang taon, kaugnay ng taunang renewal ng kanilang diskwento para sa 2026.
Maaari nang mag-renew ng Senior Citizen Discount na dapat maisagawa bago mag-Enero 24, 2026. Binigyang-diin ng kooperatiba na ang mga benepisyaryo mula sa mga nakalipas na taon ay kailangang personal na mag-appear sa alinmang CANORECO Area Office o Service Center at magdala ng Senior Citizen ID Card o anumang Valid ID Card upang ma-renew ang diskwento para sa taong 2026 at upang magpatuloy ang diskwento sa power bills sa buong taon.
Ang diskwento sa kuryente para sa Senior Citizen ay ipinatutupad alinsunod sa Republic Act 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010) at ERC Resolution No. 23, Series of 2010, na nagbibigay ng discount sa residential electricity accounts na pasok sa itinakdang kwalipikasyon.
Samantala, hinihikayat din ng CANORECO ang iba pang Senior Citizen na hindi pa nag-a-avail ng nasabing benepisyo na mag-apply na. Para sa bagong aplikasyon, kailangang isumite sa alinmang Area Office o Service Center ang sumusunod na requirements:
- Senior Citizen ID Card,
- Barangay Certificate of Residency,
- Latest Power Bill na nakapangalan kay Senior Citizen,
- Pinakabagong 2×2 colored picture (white background),
Ipinapaalala ng kooperatiba na ang mga panuntunang ito ay may gabay mula sa Energy Regulatory Commission (ERC) upang matiyak na ang subsidy para sa discount na nagmumula sa hindi kwalipikado ay naibibigay sa tunay na kwalipikadong consumer.


