Tumaas ng bahagya ang rates na babayaran para sa August 2023 billing. Ang residential rate ngayon ay Php 11.1388 per kWh kumpara sa Php 10.8588 per kWh noong nakaraang July 2023 billing. Ang low voltage rate naman ay Php 10.6698 per kWh at ang high voltage rate ay Php 9.2500 per kWh.
Nagkaroon ng bahagyang pagtaas na Php 0.2800 per kWh ang August 2023 Rate. Subalit, kung matatandaan, ang July 2023 Rate ay mayroong ipinatupad na one-time refund sa bisa ng Energy Regulatory Commission (E.R.C.) Resolution 14, Series 2023. Kung hindi ibabawas ang refund na ipinatupad nitong buwan ng Hulyo, makikitang bumaba rin ang rate ngayong August 2023 ng Php 0.5112 per kWh.
Bumaba ang Generation System Charge bilang resulta ng mas mababang Blended Generation Rate at dahil na rin sa diskwento na na-avail mula sa ating Power Supplier na Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng May 2023. Bumaba ito ng Php 0.0118 per kWh, kung saan mula Php 6.7274 per kWh ay naging Php 6.7156 per kWh ito. Bukod pa riyan, bumaba rin ang average rate sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ng Php 0.2356 per kWh dahil sa pagbaba ng average na demand sa merkado ng 2.18%. Dahil ito sa naranasang tag-ulan at malamig na panahon na dala ng Southwest Monsoon sa lahat ng araw ng July 2023 sa Luzon at Visayas. Pinalala pa ito ng matinding tropical storm “Dodong” at sama ng panahon na dala ng bagyong “Egay.”
Sa kabilang dako, tumaas naman ang Transmission System Charge ng Php 0.0071 per kWh dahil sa pagbaba ng demand sa Luzon. Tumaas rin ang System Loss Charge ng Php 0.0155 per kWh na bukod sa apektado ito ng pagtaas ng Transmission Cost, nakaapekto rin ang paglaki ng pinakahuling 12-month System Loss kumpara noong nakaraang buwan.
Samantala, Zero (0) naman ang Lifeline Subsidy Charge sa kadahilanang ito ay Php 0.0000004 per kWh lamang. Kung susundin kasi ang E.R.C. U.R.R. Template na hanggang apat (4) na decimal places ang inilalagay, hanggang zero lamang ang aabutin nito. Bumaba naman ang Value Added Tax (VAT) Charges ng Php 0.0503 per kWh.
Suspendido pa rin pansamantala ang pagkolekta ng Feed-In-Tariff (FIT-All Charge) na Php 0.0364 per kWh dahil sa ERC Resolution No. 12, Series of 2022 na nagsimula noong December 2022 billing hanggang February 2023 billing at ipinagpapatuloy mula March 2023 billing hanggang August 2023 billing base sa pinakabagong ERC Notice of Resolution noong February 22, 2023.
Suspendido rin ang pagkolekta ng Metering Charges na Php 0.4326 per kWh bilang pagsunod sa E.R.C. Resolution No. 07, Series of 2023 habang naghihintay ang CANORECO sa E.R.C. na mabigyan ng Certificate of Authority na mag-operate at mag-maintain ng Meter Shop.
Sa kabilang banda, tumaas naman ang Universal Charge – Missionary Electrification (UC-ME) ng Php 0.1994 per kWh dahil sa ERC Notice of Resolution noong March 22, 2023 na sumasaklaw sa 2013 at 2014 True-Up Adjustments na nagsimula noong May 2023 billing at magtatapos sa April 2024 billing.
Sa bahagyang pagtaas ng billing rate na babayaran sa September 2023 para sa mga konsumo sa kuryente ng August 2023, madadagdagan ng Php 28.00 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na nagkokonsumo ng 100kWh; ng Php 56.00 sa nagkokonsumo ng 200kWh; at ng Php 84.00 sa nagkokonsumo ng 300kWh.
Sa August 2023 billing rate, ang bayarin sa Generation System Charge ay Php 6.7156 per kWh; sa Transmission System Charge ay Php 0.5691 per kWh; sa System Loss Charge ay Php 0.8385 per kWh; sa Government Charges ay Php1.4099 per kWh; sa Subsidies & Other Charges ay Php0.4274 per kWh; at sa DSM Charges ay Php 1.1783 per kWh. Tanging ang Distribution/Supply/Metering (DSM) Charges lamang ang napupunta sa CANORECO upang magamit sa pang-araw-araw na operasyon nito.
Ang buwan-buwang billing rates, mapababa man o mapataas, lahat ng iyan ay dumadaan sa Energy Regulatory Commission (ERC) bago ipatupad ng electric cooperatives. Ito ang regulator ng electric power industry ng bansa.
Karamihan sa mga component ng billing ay pass-on charges lamang. Buwan-buwan nagbabayad ang CANORECO sa TLI at WESM para sa suplay ng kuryente, at sa NGCP para naman sa pagpapadaloy ng suplay ng kuryente mula sa mga planta ng kuryente papunta sa mga substation ng kooperatiba. At dahil collecting agent ng National Government ang mga electric cooperative, ilang pass-on charges din ang buwan-buwan inire-remit ng kooperatiba sa government corporations/agencies gaya ng National Transmission Corporation (TRANSCO), National Power Corporation (NAPOCOR/NPC), Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


