CANORECO Balita

CANORECO, Nakiisa sa Pagdiriwang ng Ika-127 na Taon ng Araw ng Kalayaan

Nakiisa ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) sa pagdiriwang ng lalawigan ng Camarines Norte ng ika-127 na taon ng Araw ng Kalayaan ng bansa noong ika-12 ng Hunyo 2025 (Huwebes).

Nasa dalawampu’t limang (25) empleyado at dalawang (2) sasakyan ng kooperatiba ang nakibahagi sa programa na nagsimula sa Freedom Park, sa Provincial Capitol Grounds sa bayan ng Daet. Nagbigay ng mensahe si Camarines Norte Governor Ricarte “Dong” R. Padilla tungkol sa kahalagahan ng okasyon at kung ano ang maaaring maging bahagi ng bawat isa upang patuloy na umunlad ang lalawigan at ang bansa.

Bandang 8:45 ng umaga ay nagsimula ang civic parade mula sa Freedom Park. Nilahukan ito ng iba’t ibang mga ahensiya, institusyon, organisasyon, at paaralan. Dumaan ang parade sa F. Pimentel Ave., nagpatuloy sa Vinzons Ave. at nagtapos sa SM City Daet.

Ang okasyon na ito ay paggunita sa pagdeklara ng mga Pilipino ng kalayaan mula sa pananakop ng mga Espanyol sa bansang Pilipinas na tumagal ng halos tatlong daang (300) taon. Ang deklarasyon na ito ay pinangunahan ni Heneral Emilio Aguinaldo sa bintana ng tahanan nito sa Cavite el Viejo (Kawit, Cavite) kasama ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas at pag-awit ng Lupang Hinirang.

Aktibong nakikibahagi ang CANORECO sa paggunita ng mga Pambansa at Lokal na Holiday bilang pagpapakita ng respeto at pakikiisa sa mga makasaysayang kaganapan at mahahalagang tradisyon sa mga komunidad at bansa. Sa bawat okasyon, sinisikap ng kooperatiba na ipahayag ang pagsuporta nito sa mga adhikain ng bayan, gayundin ang pagbibigay-pugay sa mga indibidwal na naging bahagi ng kasaysayan natin.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph