Matagumpay na naibahagi sa unang batch ng beneficiaries ang mga biik at feeds nitong ika-11 ng Hunyo 2025. Bahagi ito ng Livelihood Program ng Camarines Norte Electric Coooperative, Inc. (CANORECO) na Hog Raising para sa mga qualified na Member-Consumer-Owner (MCO).
Sa pangunguna ni CANORECO MCO Federation President Cristina Grace Malate at MCO Federation Vice President Grant Erwin Aurin, nakapaghatid ng dalawang biik at walong sako ng feeds sa bawat beneficiary ng programa. Kasama rin sa pamamahaging ito ang ilang empleyado ng CANORECO na sina Institutional Services Department Manager Mary Ann Moreno, Member Services Division Chief Melissa Abogado, General Services Division Chief Victor Solano, Jr., at iba pa.
Mga taga-bayan ng Basud, Mercedes, San Lorenzo Ruiz, at Talisay ang unang batch ng beneficiaries ng Livelihood Program. Sila ay dumaan sa screening at inspection na isinagawa noong ika-31 ng Marso 2025 nina MCO Federation President Cristina Grace Malate, MCO Federation Vice President Grant Erwin Aurin, MCO Federation Secretary Ricky Balce, at MCO Federation Treasurer Rex Gutierrez. Ang screening at inspection na ito ay para masiguro na may kakayahan at kaalaman ang mga beneficiaries sa pag-aalaga ng baboy.
Mayroong dalawang option ang mga beneficiary kapag lumaki na ang mga biik. Ang una ay kapag nanganak ang mga ito ay magbibigay sila ng dalawang biik pabalik sa kooperatiba. Ang pangalawa ay ibenta ang baboy at ibalik ang bahagi ng kinita sa kooperatiba. Ang mga ibabalik na biik o pera ay ibabahagi naman sa mga susunod na benepisyaryo ng programa.
Ang mga programang ito ay nagpapakita na hindi lamang sa aspeto ng paghahatid ng serbisyo ng kuryente ang CANORECO, kung hindi pati na rin sa pagpapaunlad ng buhay ng mga mamamayan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pangkabuhayan.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph

