CANORECO Balita

Mga Mangingisda ng Mercedes, Nakatanggap ng mga Kagamitan sa Pangingisda

Mercedes, Camarines Norte – Isang mahalagang tulong para sa kabuhayan ng mga mangingisda ang isinagawa kahapon, 10 Setyembre 2025 (Miyerkules), sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kagamitan sa pangingisda sa 150 benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay ng bayan ng Mercedes. Ginanap ang programa sa Covered Court ng Barangay Masalongsalong na dinaluhan rin ng ilang kinatawan mula sa kooperatiba.

Nagsimula ang aktibidad bandang 9:30 ng umaga sa pangunguna ng mga kawani ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) kasama si Director Arwin A. Segundo, Treasurer ng CANORECO Board of Directors at Direktor ng District X-Mercedes. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Director Segundo ang kahalagahan ng pagtutulungan upang maisulong ang kaunlaran ng pamayanan, lalo na sa sektor ng pangingisda na pangunahing ikinabubuhay ng maraming pamilya sa nasabing bayan.

Nagbigay rin ng pagbati at mensahe ng suporta si Kagawad Francisco Jueves, na kumatawan kay Punong Barangay Carmelita E. Badinas ng Masalongsalong. Ipinaabot naman ni Mercedes Municipal MCO Treasurer Ms. Relynda Espinosa, bilang kinatawan ni Municipal MCO Chairman Rex Gutierrez, ang kanilang pasasalamat at pagpapaalala na gamitin nang maayos ang mga natanggap na tulong upang higit na mapakinabangan ng kanilang pamilya at komunidad.

Ang mga mangingisda mula sa mga barangay ng Matoogtoog, Hinipaan, Masalongsalong, Pambuhan, Tarum, Lalawigan, at Lanot ay tumanggap ng tig-100 metro ng fishing net, dalawang kilo ng tingga, at isang pack ng nylon. Ayon sa ilang benepisyaryo ng programa, malaking ginhawa ang hatid ng mga kagamitang ito lalo na sa mga walang sariling gamit sa pangingisda.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay mayroon nang naunang batch ng mga mangingisda mula sa bayan ng Mercedes na nakatanggap ng kaparehong tulong sa pamamagitan ng inisyatibo rin ni Director Segundo. Ipinapakita nito ang pagpapatuloy ng programa na naglalayong suportahan at palakasin ang sektor ng pangisdaan sa nabanggit na bayan.