Dahil tag-init at mataas ang temperatura, mas mataas ngayon ang pangangailangan sa kuryente. At dahil ilang beses nang isinailalim sa Yellow Alert at Red Alert ang Luzon Power Grid nitong mga nakaraang araw, mataas ang posibilidad ng mga Power Interruption sa mga probinsya ng Luzon.
Ano ang ibig sabihin ng Red Alert, Yellow Alert at White Alert?
Ang ibig sabihin ng Red Alert ay hindi sapat ang suplay ng kuryente sa Power Grid na maaaring magdulot ng mga Rotational Brownout o Manual Load Dropping sa mga lugar na sakop ng Power Grid. Ang suplay ng kuryente sa Power Grid ay maaari ring nasa Yellow Alert na nagpapahiwatig naman ng mababang suplay habang lumalapit ang demand sa kritikal na antas (kahit na ang mga pagkawala ng kuryente ay hindi pa nagaganap), at ang huli, ang White Alert, ay nagpapahiwatig naman ng sapat na suplay ng kuryente sa Power Grid.
Ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang naglalabas ng mga abisong ito tungkol sa Power Grid.
Ano ang sanhi ng pagnipis ng suplay ng kuryente?
Batay sa mga abiso ng NGCP, ang suplay ng kuryente ay apektado ng hindi planado o sapilitang power outages ng mga planta ng kuryente. Halimbawa, ang mga problemang panteknikal sa mga planta ng kuryente ay maaaring humantong sa pagkasira nila na nakakaapekto naman sa dami ng kuryente na maaaring ipadala sa buong Luzon Power Grid. Ibig sabihin, mayroong kakulangan sa kabuuang megawatts na maibibigay ng buong Luzon Power Grid sa mga kliyente nito gaya ng CANORECO.
Ano ang Power Grid?
Mayroong tatlong yugto sa Power Supply Chain: ang Generation, ang Transmission at ang Distribution.
Ang tatlong ito ay bumubuo rin sa tinatawag na Power Grid na isang network na kasama ang mga Generating Plant, mga Transmission Line at mga Distribution Line. Mayroong tatlong Power Grid sa Pilipinas – ang Luzon Grid, ang Visayas Grid at ang Mindanao Grid.
Ano ang Generation?
Ito ang proseso ng paglikha ng kuryente mula sa mga pangunahing mapagkukunan ng enerhiya tulad ng coal, renewable energy, natural gas, at mga oil-based source. Ang lumilikha ng kuryente ay ang mga Generation Company tulad ng Aboitiz Power Renewables, Inc. o APRI na isa sa mga Power Supplier ng CANORECO.
Ano ang Transmission?
Nangyayari ito habang ang kuryente ay dinadala sa mga Power Grid sa pamamagitan ng mga Transmission Line. Ang mga Transmission Line ay ang mga malalaking electrical tower na madalas na itinatayo sa malalawak na bukid. Ang paghahatid ng kuryente sa buong bansa ay ang tungkulin ng NGCP na isang pribadong korporasyon.
Ano ang Distribution?
Ito ay kung paano sa wakas ay umabot na ang kuryente sa mga mamimili o yung tinatawag na mga consumer. Sa Distribution, tumatakbo ang kuryente sa mga Distribution Lines kung saan mas maliit na ang mga tower na madalas na nakikita ng mga dumadaan sa mga highway at kalsada. Ito yung tinatawag na mga Substation. Ang Distribution ang tungkulin ng mga kooperatiba ng kuryente gaya ng CANORECO.
Ano ang Manual Load Dropping o MLD?
Ito ang proseso ng manu-mano at sadyang pag-aalis ng mga paunang napiling load mula sa isang Power System bilang tugon sa isang hindi normal na kondisyon upang mapanatili ang integridad ng buong system.
Halimbawa, dahil hindi sapat ang suplay ng kuryente sa Luzon Power Grid mula sa mga Generation Company, manu-mano at sadyang babawasan ng NGCP ng suplay ng kuryente ang ilang lugar na sakop ng Luzon Power Grid.
Sa kaso ng Camarines Norte, may dalawang Feeder dito ang NGCP: ang Labo-Paracale Line na nasasakop ang Tawig Substation at Sta. Rosa Substation ng CANORECO; at ang Labo-Talisay Line na nasasakop naman ang Malatap Substation, Talobatib Substation, Calintaan Substation at Lag-on Substation ng CANORECO.
Pag kinakailangang mag-Manual Load Dropping ang NGCP sa lalawigan ng Camarines Norte, namimili ito sa pagitan ng dalawa nitong Feeder. Kung malaki ang kakulangan sa suplay ng kuryente, ang tatanggalan ng NGCP ng suplay ng kuryente ay ang Labo-Talisay Line. Ang mga bayan na nasasakop nito ay ang mga bayan ng Vinzons, Talisay, Daet, San Vicente, San Lorenzo Ruiz, Basud, Mercedes, Labo, Sta. Elena at Capalonga. At kung maliit naman ang kakulangan sa suplay ng kuryente, ang tatanggalan naman ng NGCP ng suplay ng kuryente ay ang Labo-Paracale Line. Ang mga bayan naman na nasasakop nito ay ang mga bayan ng Paracale at Jose Panganiban.
Ito ang dahilan kung bakit sa Manual Load Dropping ng NGCP sa Camarines Norte, madalas ay nakahiwalay ang mga bayan ng Paracale at Jose Panganiban.
Ang mga inii-schedule ng NGCP na Manual Load Dropping ay maaari namang hindi matuloy kung ang kondisyon ng buong Power System ay umayos, gaya ng kapag ang demand sa suplay ng kuryente ay bumaba.
Bilang consumer ng kuryente, paano ba tayo makakatulong sa mga ganitong sitwasyon? Makakatulong tayo sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng kuryente sa pamamagitan ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Technical Services Department (TSD) sa cellphone nos. 09081865100 at 09190952707, at landline no. 054-5713796.

