Nag-sponsor ang CANORECO sa pamamagitan ni Mercedes District Director Arwin A. Segundo ng isang Medical Mission sa Brgy. 1 Covered Court, Mercedes noong February 21, 2024 katuwang ang RWN34, Sangguniang Kabataan (SK) at Sangguniang Barangay (SB) Council ng Barangay 1, Mercedes.
Sa programa na pinamagatang โKalusugan ang Solusyon: A Barangay Medical Missionโ, nagbigay ng kanilang mga mensahe sina Jaye Raphael Segundo, SK Chairman; John John Camalla, SB Chairman; Pamela Rosa Yanto-Villagomez, SB Kagawad at Committee on Health Chairman; Lovely Marie Occiano, CANORECO Member Education & Information Section Officer-In-Charge; at CANORECO Mercedes District Director Arwin Segundo.
Inasikaso ng Mercedes Municipal Health Office (MHO) Medical Staff at mga council ng Barangay 1 Mercedes SB at SK ang mga nagpa-checkup kabilang ang mga nanggaling pa sa ibang barangay. Namigay din ng mga gamot na ayon sa mga resetang ibinigay ng MHO.
Isa lamang ito sa mga Corporate Social Responsibility (CSR) na isinasagawa ng CANORECO para sa mga Member Consumer Owner (MCO) bilang tulong sa kanilang mga komunidad.
Inasikaso naman ng CANORECO Member Services Team ang mga nagtanong at nag-aplay para sa Change Name, Membership Address Transfer, Membership Status Conversion, Account Modification, Membership ID Printing, Senior Citizen Discount at Lifeline Rate Discount.
Ang partisipasyong ito sa mga programa ng mga barangay ay isa sa mga paraan upang mas mailapit pa ng kooperatiba ang mga serbisyo nito sa mga konsumidores sa Camarines Norte. Halimbawa na lamang ang Change Name Application kung saan ay maaari nang ilipat ang pangalan ng kuntador kung ang dating may-ari nito ay patay na, matanda/may sakit na, naibenta na ang property kasama ang kuntador o lumipat na sa ibang lugar. Maaari nang mailipat ang rehistro ng kuntador sa kung sino talaga ang aktwal na gumagamit nito upang sya na ang maging MCO ng CANORECO.
Nagpapasalamat ang pamunuan ng CANORECO sa Barangay 1, Mercedes at sa mga taong naging parte ng aktibidad at naidaos ng matagumpay ang programang ito.