CANORECO Balita

π…π„ππ‘π”π€π‘π˜ πŸπŸŽπŸπŸ‘ ππˆπ‹π‹πˆππ† 𝐑𝐀𝐓𝐄𝐒, ππ”πŒπ€ππ€

Bumaba ang billing rates na babayaran para sa February 2023 billing. Ang residential rate ay Php16.3651 per kWh na lamang kumpara sa Php16.9671 per kWh noong nakaraang January 2023 billing. Ang commercial low voltage rate ay Php15.4116 per kWh at ang commercial high voltage rate naman ay Php13.5912 per kWh. Nagkaroon ng pagbaba na Php0.6020 per kWh.
Ang pagbabang ito ay bunsod ng pagbaba ng Blended Generation System Charge ng Php0.4992 per kWh dahil sa mas mababang Fuel Cost (Coal Price) na binayaran sa ating Power Supplier na Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng January 2023. Bumaba rin ang average rate ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ng Php4.8561 per kWh dahil sa pagtaas ng average supply margin sa market. Ang Generation Charge ay nagbabago buwan buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
Bumaba rin ang Transmission System Charge ng Php0.0284 per kWh dahil sa mas mababang Ancillary Service Charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP); ang System Loss Charge ng Php0.0548 per kWh; ang Senior Citizen Subsidy ng Php0.0005 per kWh; at ang Value Added Tax (VAT) Charges ng Php0.0486 per kWh.
Suspendido pa rin pansamantala ang pagkolekta ng Feed-In-Tariff (FIT-All Charge) na Php0.0364 per kWh dahil sa ERC Resolution No. 12, Series of 2022 na nagsimula noong December 2022 billing hanggang August 2023 billing.
Samantala, tumaas naman ang Generation Rate Adjustment Mechanism/Incremental Currency Exchange Rate Adjustment (GRAM/ICERA) at Lifeline Subsidy na may kabuuang Php0.0295 per kWh.
Sa pagbaba ng billing rate na babayaran sa March 2023 para sa mga konsumo sa kuryente ng February 2023, mababawasan ng Php60.20 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na nagkokonsumo ng 100kWh; ng Php120.40 ang nagkokonsumo ng 200kWh; at ng Php180.60 ang nagkokonsumo ng 300kWh.
Sa January 2023 billing rate, ang bayarin sa Generation System Charge ay Php9.9542 per kWh; sa Transmission System Charge ay Php0.9698 per kWh; sa System Loss Charge ay Php1.2516 per kWh; sa Government Charges ay Php1.8970 per kWh; sa Subsidies & Other Charges ay Php0.6816 per kWh; at sa DSM Charges ay Php1.6109 per kWh. Tanging ang Distribution/Supply/Metering (DSM) Charges lamang ang napupunta sa CANORECO upang magamit sa pang-araw-araw na operasyon. Ang halagang ito ay hindi nagbago mula pa taong 2010.
Ang buwan-buwang billing rates, mapababa man o mapataas, lahat ng iyan ay dumadaan sa Energy Regulatory Commission (ERC) bago ipatupad ng electric cooperatives. Ito ang regulator ng electric power industry ng bansa.
Dahil ang mga electric cooperative ay mga collecting agent din ng National Government, ang ilan sa mga components ng billing ay pass-on charges lamang at ibinabayad ng CANORECO buwan-buwan sa TLI at sa WESM, sa transmission utility na NGCP, at inire-remit sa government corporations/agencies gaya ng National Transmission Corporation (TRANSCO), National Power Corporation (NAPOCOR/NPC), Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph