CANORECO Balita

42ND Annual General Membership Assembly ng CANORECO, Gaganapin sa ika-31 ng Agosto 2025

Gaganapin ang Hybrid Annual General Membership Assembly (AGMA) ng CANORECO sa ika-31 ng Agosto 2025 (Linggo), sa ganap na 1:00 ng hapon sa Camarines Norte State College sa bayan ng Daet. Ito ay taunang pagtitipon ng mga Member-Consumer-Owners (MCO) ng CANORECO kung saan inilalahad ng Board of Directors at ng pamunuan ang mga ulat ukol sa operasyon ng kooperatiba sa aspetong pinansyal, teknikal, at institusyonal noong nakaraang taon. Ang tema ng AGMA ngayong taon ay “Beyond Power: Electric Cooperatives Empowering Communities, Changing Lives.”

Mahalagang aktibidad ang AGMA dahil ito ang pangunahing plataporma ng mga miyembro upang makilahok sa mga mahahalagang desisyon at proseso ng kooperatiba. Ang magiging agenda ng pagpupulong ngayong taon ay ang mga sumusunod:

  • Pagtakda ng Quorum at Pagbasa ng Proof of Publication
  • Ulat ng Pangulo
  • Ulat ng Ingat-Yaman
  • Ulat ng Pangkalahatang Tagapamahala – “State of the EC Address” (SECA)
  • Malayang Talakayan
  • Panunumpa sa Tungkulin ng mga Bagong Halal na Opisyales ng Lupon

Sa malayang talakayang parte ng pagtitipon, may pagkakataon ang mga miyembro na magtanong sa mga kinauukulan upang mas mapalawak ang kanilang pagka-unawa sa kalagayan ng kooperatiba.

Ang pagdalo sa AGMA ay isa sa mga kwalipikasyon upang maging isang direktor ng kooperatiba. Bahagi rin ito ng pagsunod sa mga patakaran ng National Electrification Administration (NEA) para sa pagtukoy ng antas ng kooperatiba.

Lahat ng kasalukuyang MCO na may nakakabit na kuntador at nakapagbayad ng membership fee na ₱5.00 ay malayang makapagparehistro para sa AGMA. Para naman sa mga may kuntador ngunit hindi pa ganap na miyembro, kinakailangan nilang dumaan sa Pre-Membership Seminar, magbayad ng membership fee, at isumite ang mga kinakailangang dokumento upang maging kwalipikado sa pagpupulong. Sa mismong araw ng AGMA ay magkakaroon ng online registration na ang mga detalye ay iaanunsyo sa Facebook page ng CANORECO.

Isa rin sa mga pinakaaabangang bahagi ng AGMA ay ang raffle na isinasagawa habang nagpupulong. Ang lahat ng nakapa-rehistrong MCO, maliban sa mga opisyal at empleyado ng kooperatiba pati na rin ang kanilang mga asawa, ay may pagkakataong manalo. Bawat MCO ay may isang raffle entry lamang kahit pa marami siyang kuntador. Kabilang sa mga premyo ngayong taon ay ang major prize na ₱50,000 cash para sa isang mananalo sa bawat bayan, at minor prizes na ₱10,000; ₱8,000; ₱6,000; ₱4,000; ₱3,000; ₱2,000; ₱1,000 na tatlo ang mananalo sa bawat bayan. Sa kabuuan, mayroong 286 na mapalad na MCO ang maaaring manalo kaya’t inaanyayahan ang lahat na magparehistro, manood, at sumali sa masayang pagtitipon ng ika-42 AGMA ng CANORECO.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph