Kaisa ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) ang CANORECO sa pagdiriwang ng National Cooperative Month ngayong buwan ng Oktubre na may temang “Kooperatibang Matatag: Tumutugon sa mga Hamon, Daan sa Pagbangon, Nagbibigay Pag-asa sa Makabagong Panahon”.
Kaya naman kasabay ng iba pang electric cooperatives sa buong bansa, nagsagawa ang kooperatiba ng Community Pantry sa CANORECO Talisay Main Office sa Itomang, Talisay noong October 15, 2021 ng umaga, at ng Community Pantry On Wheels sa Manide Tribe ng Brgy. Osmeña at sa Brgy. Parang sa Jose Panganiban noong hapon ng October 15, 2021.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ni Institutional Services Manager Mary Ann Moreno at ng iba pang empleyado ng kooperatiba. Nakilahok din ang mga MCO Officers sa pangunguna ni MCO Chairman Vicente Medenilla at iba pang MCO Officer mula Jose Panganiban.
Nabigyan ng mga prutas, gulay, pang-sahog, de lata, itlog, pansit, bigas at iba pa ang mga Member Consumer Owner (MCO) ng kooperatiba na nagsadya sa nasabing opisina ng CANORECO. Ganoon din ang natanggap ng mga MCO sa Brgy. Parang sa Jose Panganiban. Para naman sa mga taga-Manide Tribe, bukod sa mga nasabing pagkain, nabigyan sin sila ng mga libro at damit pambata.
Binili ng CANORECO ang karamihan sa mga nasabing pagkain sa mga local producers/sellers sa palengke ng bayan ng Daet at ng bayan ng Labo. Ang iba naman ay donasyon mula sa San Miguel Corporation na hinahanapan ng kooperatiba ng mga benepisyaryo. At ang mga libro at damit naman ay donasyon mula sa ilang empleyado ng kooperatiba.
At dahil ang mga electric cooperative ay nagtataguyod ng pag-unlad sa mga komunidad at sa pamumuhay ng mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran, muling magsasagawa ang CANORECO ng Community Pantry sa CANORECO Daet Area Office at ng Community Pantry On Wheels sa Coastal Mercedes sa October 29, 2021.
Muli po naming inaanyayahan ang mga MCO ng CANORECO na sumaglit sa Daet Area Office o mag-abang sa Coastal Mercedes sa nasabing araw at “Kumuha ng naaayon sa inyong pangangailangan.”
Para sa iba pang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph



