Upang bigyang diin ang sama-samang pagsisikap ng bansa sa pagtataguyod ng pagtutulungan para sa ligtas na pamumuhay at pagtugon sa mga isyu sa lipunan at alalahanin sa mga paaralan, sa mga tahanan, at sa pamayanan, kaisa ng Department of Education (DepEd) ang CANORECO sa Brigada Eskwela 2021 na may temang “Bayanihan para sa Paaralan.”
Nagbigay ang CANORECO ng healthcare kits at learning kits sa F. Baldovino Elementary School sa Brgy. Camambugan, Daet at sa Moreno Integrated School sa Brgy. VIII, Daet noong October 8, 2021.
Malaking tulong ang mga face mask, alcohol, Zonrox, foot bath, mop at bucket sa mga guro ng mga nasabing paaralan dahil tungkulin pa rin nilang ipatupad ang Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) at tiyakin ang paghahatid ng kalidad ng pangunahing edukasyon sa mga kabataang Pilipino sa kabila ng patuloy na pagkalat ng pandemyang COVID-19 sa bansa.
At dahil hindi pa maaaring bumalik sa face-to-face classes ang mga mag-aaral, malaking tulong din ang mga bond paper at envelope na ibinigay ng kooperatiba para sa paglilimbag at paghahatid ng kanilang mga module.
Nagpapasalamat ang CANORECO sa pamunuan ng mga nasabing paaralan na sina Principal Venia P. Surara ng F. Baldovino Elementary School at Principal Alicia I. Quinto ng Moreno Integrated School.
Higit sa elektripikasyon, ang mga electric cooperative kagaya ng CANORECO ay inatasan ng pamahalaan na itaguyod ang pag-unlad at itaas ang antas ng pamumuhay ng kanilang mga nasasakupan lalo na ngayong mga panahong ito kung kailan ang pagtutulungan ng lahat ng sektor ay inaasahan.
Para sa iba pang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph



