DAET, CAMARINES NORTE — Magpapatupad ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) ng Amnesty Program na magbibigay ng pagkakataon sa mga kwalipikadong Member-Consumer-Owners (MCOs) na ma-waive nang 100 porsiyento ang naipong surcharges at penalties ng kanilang mga hindi nabayarang electric bill na sakop hanggang Disyembre 31, 2022.
Ang programa ay ipatutupad alinsunod sa Board Resolution No. 33-B, Series of 2026, na nag-apruba sa Policy on Granting of Amnesty on Electric Bill Surcharges and Penalties Covering Unpaid Power Bills Until December 2022. Ang nasabing polisiya ay nabigyan na rin ng kaukulang pag-apruba ng National Electrification Administration (NEA).
Layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga MCO na maisaayos ang kanilang matagal nang pagkakautang sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga naipong surcharge, penalty, at interest, habang hinihikayat silang bayaran ang kanilang principal obligation at maging updated sa kanilang kasalukuyang bayarin.
Sino ang maaaring makinabang?
Bukas ang Amnesty Program sa mga kwalipikadong residential, commercial, industrial, institutional, at government accounts na may hindi nabayarang obligasyon na sakop hanggang Disyembre 31, 2022.
Maaari ring makinabang ang mga disconnected accounts dahil sa hindi pagbabayad, gayundin ang mga inactive o closed accounts na may natitirang obligasyon bago o hanggang Disyembre 31, 2022.
Hindi naman kabilang sa programa ang mga pagkakautang na nabuo pagkatapos ng Disyembre 31, 2022, mga account na sangkot sa illegal use of electricity, pilferage o meter tampering, at mga account na mayroon nang final court judgment maliban kung may compromise agreement na aprubado ng CANORECO.
100% Waiver sa Surcharges at Penalties
Sa ilalim ng programa, maaaring ma-waive nang 100 porsiyento ang:
• Surcharges; at
• Penalties
Gayunman, hindi kabilang sa maaaring ma-waive ang principal amount ng electric bill at ang mga kasalukuyang bayarin mula Enero 1, 2023 pataas.
Para sa mga MCO na kayang bayaran nang buo ang principal balance o kabuuang unsettled electric bill na sakop ng programa, maaaring ipagkaloob ang 100 porsiyentong waiver sa lahat ng kaukulang surcharge, penalty, at interest.
Maaari ring hulugan ang obligasyon
Para naman sa mga hindi kayang magbayad nang buo, may installment payment scheme na maaaring gamitin.
Kinakailangan ang minimum na 50 porsiyentong down payment ng kabuuang unsettled electric bill. Ang natitirang balanse ay maaaring bayaran nang hulugan hanggang anim na buwan, na maaaring awtomatikong maaprubahan alinsunod sa patakaran.
Ang installment na mula pito hanggang 12 buwan ay sasailalim sa pagsusuri ng Finance Services Department at Internal Audit Department at kinakailangan ng pinal na pag-apruba ng General Manager.
Pagpapanumbalik ng serbisyo
Ang mga kwalipikadong disconnected MCO na nagnanais maibalik ang kanilang serbisyo ng kuryente ay kinakailangang makasunod sa itinakdang down payment, lumagda sa kinakailangang Promissory Note, at magbayad ng mga kaukulang bayarin para sa reconnection, kung kinakailangan.
Ang mga account na mahigit isang taon nang disconnected ay maaari ring sumailalim muna sa inspection bago ma-reconnect.
Maaaring makipag-ugnayan ang interesadong MCO sa Collection and Consumer Services Division (CCSD) ng pinakamalapit na CANORECO Area Office o sa Consumer Services Division (CSD) ng Finance Services Department (FSD) sa CANORECO Main Office.
Kinakailangang ibigay ang pangalan at account number upang masuri ang account at matukoy ang kabuuang obligasyong maaaring saklawin ng programa.
Matapos ang evaluation, ipaliliwanag sa MCO ang halaga ng obligasyon, mga maaaring payment option, at iba pang kinakailangang proseso.
Upang mapanatili ang benepisyo ng amnestiya, kailangang bayaran ng MCO sa takdang panahon ang napagkasunduang amortization at ang kanyang kasalukuyang buwanang electric bill.
Ang hindi pagsunod sa napagkasunduang payment arrangement ay maaaring magresulta sa pagkansela ng amnesty benefits, muling pagpapataw ng na-waive na surcharges at penalties, at disconnection ng serbisyo, kung naaangkop.
Maaaring i-avail ang Amnesty Program hanggang Disyembre 31, 2026.
Hinihikayat ng CANORECO ang mga kwalipikadong MCO na samantalahin ang pagkakataong ito upang maisaayos ang kanilang mga lumang obligasyon at mapagaan ang pasaning dulot ng naipong penalties at iba pang karagdagang singil.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa CANORECO Main Office sa Brgy. Itomang, Talisay, Camarines Norte.