Matapos aprubahan ng National Electrification Administration (NEA) ang pagpapaliban sa 2020 Electric Cooperative (EC) Categorization noong taong 2021 dahil sa pananalasa ng mga bagyo at ng COVID-19 pandemic sa operasyon ng mga (EC), muling nagsagawa ang NEA ng EC Overall Performance Assessment and Size Classification for 2021 Operations. Inilabas ang resulta nito noong July 13, 2022 sa pamamagitan ng NEA Memorandum to All ECs No. 2022-033.
Base sa nasabing resulta at sa ikalimang pagkakataon mula noong mga taong 2016, 2017, 2018 at 2019, muling nakuha ng CANORECO sa NEA ang Category “AAA” (Triple A) para sa 2021 operations nito. Ito ang pinakamataas na category na maibibigay ng NEA sa isang electric cooperative. Samantala, nanatili pa rin ang kooperatiba na isang Mega Large EC na siyang pinakamalaking size classification ng isang electric cooperative.
Sa 121 na electric cooperative sa buong bansa, kabilang ang CANORECO sa 87 na nakakuha ng Category “AAA”. May siyam (9) ang nakakuha ng Category “AA”, lima (5) ang nakakuha ng Category “A”, pito (7) ang nakakuha ng Category “B”, anim (6) ang nakakuha ng Category “C” at pito (7) ang nakakuha ng Category “D”. Sa Bicol Region, kasama ng CANORECO sa Category “AAA” ang Camarines Sur Electric Cooperative (CASURECO) I, II, III at IV, at ang First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO).
Sa paglabas ng mga resultang ito, kinilala ng NEA ang katatagan at katibayan ng mga electric cooperative sa pagharap sa mga hamong dala ng COVID-19 pandemic, mga natural calamities, at mga isyung pang-ekonomiya at pang-politika.
Layon ng EC Overall Performance Assessment na sukatin ang katayuang pinansyal, institusyonal at teknikal ng mga electric cooperative sa buong bansa upang matukoy ang credit worthiness, level of development, protection, empowerment at satisfaction ng mga Member Consumer Owners (MCOs), at upang itaguyod ang pananagutan ng mga electric cooperative sa kanilang mga obligasyon.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook account na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na
www.canoreco.com.ph