Bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-49 na Turn Over Anniversary ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) at ng Corporate Social Responsibility nito sa komunidad, matagumpay na naisagawa ngayong araw (23 May 2025) ang Tree-Planting Activity sa Mangrove Forest sa Barangay Manguisoc sa bayan ng Mercedes.
Ang aktibidad na ito ay naganap sa pagtutulungan ng General Services Division ng CANORECO, Barangay Officials ng Manguisoc, at ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng Provincial Local Government Unit. Ang OPAg ang nakipag-uganayan sa Camarines Norte State College, sa pamamagitan ng Institute of Fisheries and Marines Sciences nito sa bayan ng Mercedes, upang magkaroon ng 120 Mangrove Seedlings na gagamitin para sa aktibidad.
Ang pagtatanim ay dinaluhan ng 16 na empleyado at Member-Consumer-Owner (MCO) ng CANORECO na naglaan ng oras at lakas para sa gawaing ito. Ang bawat isa ay nagdala ng kani-kaniyang kagamitan sa pagtatanim para sa nasabing aktibidad.
Tumulak ang grupo bandang 7:30 ng umaga at nakarating sa Barangay Hall ng Manguisoc bandang 8:30 ng umaga. Sa pamamagitan ng mga opisyales ng nabanggit ng barangay ay naituro naman ang pinakamainam na pagtataniman ng mga seedlings sa Mangrove Forest. Natapos ang aktibidad bandang 10:00 ng umaga.
Inaasahan na magiging dagdag sa magandang naidudulot ng Mangrove Forest sa yamang dagat at sa komunidad ang mga naitanim na mga punla. Kilala ang Mangrove Trees bilang nagiging tirahan ng mga isda upang makapagparami, gayundin ang tulong nito na pahinain ang malalakas na hampas ng alon patungong dalampasigan tuwing may bagyo.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph

