Bahagyang tumaas ang power rates na babayaran ng mga konsumidores para sa JUNE 2025 billing month. Ang residential rate ngayon ay Php 9.3755 per kWh kumpara sa Php 9.3740 per kWh noong nakaraang May 2025 rate. Ang low voltage rate ay Php 8.4219 per kWh at ang higher voltage rate naman ay Php 6.7544 per kWh. Ang bahagyang pagtaas na ito ng Php 0.0015 per kWh ay dahil sa mga sumusunod:
- Pagtaas ng Transmission System Charge ng Php 0.0784 per kWh dahil sa pagtaas ng Ancillary Service Charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa supply month ng May 2025.
- Pagtaas ng Value Added Tax (VAT) Charge ng Php 0.0204 per kWh dahil sa pagtaas ng Transmission System Charge.
Sa kabilang banda, bumaba naman ang Generation System Charge ng Php 0.0908 per kWh dahil sa pagbaba ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) Charges at fuel cost na binayaran ng Thema Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng May 2025. Bumaba rin ang System Loss Charge ng Php 0.0065 per kWh dahil sa pagbaba ng Generation System Charge.
Patuloy naman ang pagkolekta ng Feed-In-Tariff Allowance (FIT-All) Charge na Php 0.1189 per kWh na nagsimula noong March 2025 Billing Month alinsunod sa ERC Notice of Resolution para sa ERC Case No. 2023-096 RC noong February 19, 2025 na kinokolekta ng National Transmission Corporation (TransCo). Gayundin ang pagkolekta ng interim Universal Charge – Missionary Electrification (UC-ME) rate na Php 0.1993 per kWh na nagsimula noong February 2025 billing month alinsunod sa ERC Order para sa ERC Case No. 2024-036 RC noong October 30, 2024 na kinokolekta ng National Power Corporation (NPC).
Sa bahagyang pagtaas ng power rate na babayaran sa July 2025 para sa mga konsumo sa kuryente nitong June 2025, madaragdagan ng Php 0.15 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na nagkokonsumo ng 100kWh; Php 0.30 sa nagkokonsumo ng 200kWh; at Php 0.45 sa nagkokonsumo ng 300kWh.
Sa June 2025 residential power rate, ang bayarin sa Generation System Charge ay Php 4.4952 per kWh; sa Transmission System Charge ay Php 0.8169 per kWh; sa System Loss Charge ay Php 0.7219 per kWh; sa Government Charges ay Php 1.3034 per kWh; sa Subsidies & Other Charges ay Php 0.4272 per kWh; at sa DSM Charges ay Php 1.6109 per kWh. Tanging ang Distribution/Supply/Metering Charges lamang ang napupunta sa CANORECO upang magamit sa pang-araw-araw na operasyon nito.
Ang mga pass-through charge ng CANORECO (Generation, Transmission, System Loss, Lifeline Rate Subsidy at Senior Citizen Subsidy) ay nakabatay sa halagang ibinayad ng kooperatiba sa mga power supplier (TLI at WESM) nito at sa grid operator (NGCP) ng bansa, gayundin sa mga ibinigay na subsidiya sa mga lifeline rate at senior citizen na mga konsumidores na kinakalkula gamit ang inireseta ng ERC na Uniform Reportorial Requirement (URR) spreadsheet template.
Ang lahat ng rate component sa electric bill na kinokolekta ng kooperatiba ay dumadaan sa regulasyon at sumasailalim sa buwanang pagsusuri ng ERC. Karapat-dapat tandaan na ang kooperatiba ay hindi pinapayagang baguhin ang mga rate na kinokolekta sa mga konsumidores nang walang paunang awtoridad ng ERC na may hurisdiksyon sa mga distribution utility (private utility at electric cooperative).
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph.

