CANORECO Balita

Pagsasanay ng mga Lineman at Engineer ng CANORECO sa Ilalim ng Lineman Academy, Tagumpay na Naisagawa

Noong September 26 hanggang 28, matagumpay na nakapagtapos sa masinsinang pagsasanay ang tatlumpung (30) lineman at engineer ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) sa ilalim ng Lineman Academy ng WFive Safety Consultancy and Training Services. Ang naturang pagsasanay ay pinangunahan ng kanilang bihasang trainer na si Mr. Jason Wayat.

Ang tatlong araw na pagsasanay ay naglayong palakasin ang kaalaman at kasanayan ng ating mga lineman at engineer pagdating sa mga bagong teknolohiya at sa kaligtasan sa pagtatrabaho, partikular na sa paghawak ng mga high-voltage line. Bilang pangunahing layunin ng pagsasanay, pinagtibay ang kanilang kahandaan at kasanayan sa pagtugon sa mga emergency situation, gayundin ang pagsunod sa mga pamantayan ng kaligtasan na nakasaad sa mga regulasyon ng pamahalaan at ng industriya ng kuryente.

Isa sa mga pangunahing pokus ng pagsasanay ay ang pagpapalawak ng kaalaman ng mga lineman at engineer sa mga safety protocol na kinakailangang sundin sa araw-araw na operasyon. Tinalakay ni Mr. Wayat ang mga kritikal na hakbang sa pagpapatupad ng mga safety measure, kabilang ang tamang pagsusuot ng personal protective equipment (PPE), tamang paghawak sa mga kasangkapan, at pagsunod sa tamang proseso ng pag-akyat at pagkukumpuni ng mga poste at kawad ng kuryente.

Bukod sa lecture, isinagawa rin ang mga hands-on na aktibidad kung saan aktwal na sinubukan ng mga lineman at engineer ang kanilang mga natutunan sa ilalim ng masusing pangangasiwa ni Mr. Wayat. Kabilang sa mga hands-on na mga aktibidad ang pag-akyat sa poste na mayroong kailangang i-rescue, pag-handle sa mga naging biktima ng aksidente, tamang pagsasagawa ng knots at iba pa.

Ang pagsasanay na ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng CANORECO na mapataas ang kalidad ng serbisyo at kaligtasan para sa lahat ng mga Member-Consumer-Owner. Sa pamamagitan ng patuloy na edukasyon at pagsasanay sa mga kawani, makakasiguro ang mga MCO na handa sila sa anumang hamon na maaaring kaharapin sa operasyon ng distribusyon ng kuryente sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, nakatanggap ng certificate ang lahat ng mga naging participant bilang patunay ng kanilang matagumpay na pagkumpleto sa pagsasanay.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph