CANORECO Balita

CASURECO 1, Nagsagawa ng Benchmarking Visit sa CANORECO Para sa Net Metering Services

Noong ika-10 ng Agosto 2024, bumisita ang mga kinatawan ng Camarines Sur 1 Electric Cooperative, Inc. (CASURECO 1) sa Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) para magsagawa ng isang benchmarking activity. Pinangunahan ang mga delegado mula sa CASURECO 1 ng kanilang Institutional Services Department Acting Manager na si Ms. Maria Goretti F. Prado. Ang layunin ng kanilang pagbisita ay upang mapag-aralan at malaman ang mga pinakamahusay na praktika ng CANORECO, particular sa implementasyon ng Net Metering Services.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng benchmarking visit sa CANORECO ngayong taon. Sa katunayan, pangatlong beses na ito na binisita ng ibang electric cooperative mula sa Bicol Region ang ating kooperatiba. Nauna ang Albay Electric Cooperative, Inc. (ALECO) noong Agosto. Isang araw bago ang pagbisita ng CASURECO 1, bumisita rin ang First Catanduanes Electric Cooperative, Inc. (FICELCO). Naging layunin ng mga pagbisita na ito ang matutunan at mas mapalalim ang kanilang kaalaman tungkol sa magagandang sistema at proseso na ipinapatupad ng CANORECO para sa maayos na serbisyo sa mga Member-Consumer-Owners.

Ang Net Metering Services ay isang programa na nagpapahintulot sa mga Member-Consumer-Owner (MCO) na mag-generate ng itinakdang laki ng kuryente mula sa isang renewable energy system tulad ng solar energy para sa pansarili nilang konsumo, at makapag-export ng sobrang na-produce na kuryente pabalik sa grid. Ito ay nagbibigay oportunidad sa mga MCOs na maging environmentally friendly ang kanilang pamumuhay.

Naging paksa rin ng pagbisita ang SCADA System na ginagamit ng kooperatiba para sa mga substations nito. Ang SCADA System ay isang teknolohiya kung saan remotely ay nakokontrol ng isang operator ang isang pasilidad kahit gaano pa ito kalayo. Gayundin, ang pagmonitor ng mga parameters na nagpapanatili sa maaayos sa operasyon ng mga pasilidad, lalo na ang mga substation. Nagbibigay-daan ito sa mas mabilis at episyenteng pagtugon sa mga suliranin na maaaring maranasan sa isang pasilidad.

Pinangunahan ni CANORECO Technical Services Department Manager (TSD) Engr. Redentor A. Molina ang pagsalubong at pagtanggap sa mga bisita mula sa CASURECO 1, kasama ang mga personnel mula sa CANORECO Corporate Services Department (CSD) na sina Network Information & Technology Division Chief Jason A. Bayaborda at Corporate Planning Engineer Engr. Jomyl S. Oida. Sila ang nagpresenta at nagpaliwanag ng Net Metering Services at SCADA System ng CANORECO.

Ang CANORECO ay patuloy na nagpapakita ng kahusayan sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa pamamagitan ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya. Ang benchmarking visit na ito ay patunay sa mithiin ng kooperatiba na makapagbigay ng maganda at maayos na serbisyo para sa mga Member-Consumer-Owners. Nagkakaroon din ng pagkakataon na magtulungan at magpalitan ng kaalaman ang mga kapwa electric cooperatives para sa ikauunlad ng bawat isa.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph