Noong ika-18 ng Oktubre 2024, matagumpay na naisagawa ang Mobile Community Kitchen ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) sa Area 1 Office sa bayan ng Daet. Bilang bahagi ng ika-49 na Founding Anniversary ng kooperatiba ngayong buwan ng Oktubre, mahigit sa 200 na indibidwal ang nabiyayaan sa aktibidad. Ang naturang aktibidad ay isa lamang sa maraming gawain ng kooperatiba na naglalayong mapalapit at mapaglingkuran ang mga Member-Consumer-Owner (MCO) at ang komunidad.
Nakatanggap ng mainit na lugaw na may kasamang itlog at pandesal, at inumin ang mga nakiisa sa Mobile Community Kitchen. Bukod pa ito sa samu’t saring mga cracker at biscuit na kanilang pinamilian bilang kasama sa kanilang kakainin.
Tumagal ang aktibidad nang mula alas-9 hanggang alas-10 ng umaga na pinangunahan ng Occupational Safety & Health Committee (OSHC) at ng General Services Division (GSD) ng Institutional Services Department (ISD). Pasasalamat naman ang naging tugon ng mga nakatanggap ng pagkain at inumin sapagkat sila ay nabigyang pansin na maging bahagi ng programang ito.
Bukod sa nasabing aktibidad, isang matagumpay na Blood-letting Activity ang isinagawa rin noong ika-11 ng Oktubre 2024 sa parehong lokasyon. Ang programang ito ay pinangunahan rin ng CANORECO OSHC sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross – Camarines Norte Chapter. Sa aktibidad na ito, marami ang nagboluntaryo mula sa mga miyembro ng CANORECO Board of Directors, mga kawani at mga MCOs na mag-donate ng kanilang dugo. Malaking tulong ito sa mga nangangailangan ng dugo at madadagdagan ang mga reserba nito para sa hinaharap.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng CANORECO na may na layunin na maghatid-serbiyo, hindi lamang sa aspetong kuryente, kundi pati na rin aspetong pang-komunidad.
May iba pang mga aktibidad ang kooperatiba na nakalinya hanggang sa pagtatapos ng buwan, gaya ng Anniversary Raffle Promo sa ika-28 ng Oktubre at Livelihood Program sa Mercedes sa ika-30 ng Oktubre.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


