CANORECO Advisories

Paalala sa mga MCO sa Kasalukuyang Nararanasang Panahon

Kaugnay ng patuloy na malakas na pag-ulan na dulot ng shear line kung saan apektado ang Camarines Norte, may mga lugar sa ating lalawigan ang kasalukuyang nakararanas ng pagbaha at patuloy na pagtaas ng tubig lalo na sa mga mabababang komunidad at nasa tabing-ilog. Dahil sa sitwasyong ito, nais ipabatid ng CANORECO sa lahat ng MCOs na may posibilidad ng pansamantalang pagkawala ng serbisyo ng kuryente sa mga apektadong lugar.

Bilang pag-iingat at pag-iwas sa mas malalang panganib tulad ng electrocution, short circuit, sunog, at pagkasira ng mga linya at poste ng kuryente dulot ng tubig baha, maaaring magsagawa ang CANORECO ng pre-emptive o emergency shutdown ng mga linya sa mga lugar na lubog na sa baha, malapit sa ilog, o may mataas na posibilidad na malubog sa baha. Ang hakbang na ito ay isinasagawa hindi lamang dahil sa teknikal na kadahilanan kundi higit sa lahat para sa kaligtasan ng mga residente sa nasabing lugar.

Kaugnay nito, mariing ipinapayo sa lahat na patayin ang main switch o circuit breaker ng bahay kung may pumapasok na tubig baha, at i-unplug ang mga appliances upang maiwasan ang pagkasira kapag biglang bumalik ang suplay ng kuryente. Iwasan ang paghawak sa anumang kable ng kuryente lalo na kung ito ay nakababad sa tubig, at huwag lumapit sa mga nakalaylay na kawad o poste na nasa baha. Mas mainam ang paggamit ng flashlight kaysa kandila upang maiwasan ang panganib ng sunog, at tiyaking tuyo ang mga extension wire at saksakan. Higit sa lahat, hintayin ang opisyal na abiso mula sa CANORECO bago ibalik ang main switch kung nakaranas ng pagkawala ng kuryente.

Ang pagbabalik ng suplay ng kuryente ay isasagawa lamang kapag ligtas na ang lugar mula sa baha, na-inspeksyon na ang mga linya at poste, at natitiyak na wala nang panganib sa mga residente. Hinihiling ng Kooperatiba ang inyong pang-unawa at kooperasyon sa mga hakbang na ito na nakatuon sa kaligtasan ng bawat MCO at kanilang pamilya. Patuloy na mag-antabay sa mga opisyal na anunsyo ng CANORECO para sa mga susunod na update.

Maraming salamat at manatiling ligtas.