Nitong January 5, 2023, Huwebes, bandang 9:16 ng umaga ay nakaranas ng pagkawala ng serbisyo ng kuryente ang malaking bahagi ng Lalawigan ng Camarines Norte. Nawalan ng serbisyo ng kuryente ang buong bayan ng Mercedes, Basud, San Lorenzo Ruiz, Daet, San Vicente, Talisay, Vinzons, Labo, Santa Elena, Capalonga, kasama na rin ang ilang bahagi ng bayan ng Paracale at Jose Panganiban.
Agad namang nagsagawa ng pagte-trace ang maintenance team upang matukoy ang dahilan ng pagkawala ng serbisyo ng kuryente. Pagdating sa P-3 ng Barangay Daguit sa bayan ng Labo ay natagpuan ng team ang isang puno ng niyog na humapay sa 69KV Labo-Talisay line ng National Grid Corporation of the Philippines o N.G.C.P. at sa distribution line ng CANORECO na nagdulot ng pag-auto trip off ito.
Naging matindi ang pag-ulan sa lalawigan ng Camarines Norte nitong mga nakaraang araw na nagdulot ng paglambot ng lupa sa ilalim ng kinatitirikan ng nasabing puno. Gumuho ang lupa kasama ang puno ng niyog at humapay ito sa linya ng kuryente na nagdulot ng pag-auto trip off nito. Dahil sa insidenteng ito, pumutok ang mga transformers at iba pang line hardwares na konektado sa nasabing linya.
Kaagad na naialis ang puno ng niyog at na-energize ang 69KV line bandang 9:45 ng umaga. Subalit nagsagawa muna ng pagche-check ng linya ang maintenance team ng Area II Office upang masiguradong walang fault ang mga distribution lines. Unti-unting naibalik ang serbisyo ng kuryente sa bawat linya na nasiguradong walang fault.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na
www.canoreco.com.ph.