CANORECO Balita

Unang Pagdinig sa Franchise Application ng CANORECO sa House Committee on Legislative Franchises, Naging Matagumpay!

Noong ika-28 ng Agosto 2024, isinagawa ang unang pagdinig sa aplikasyon ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) para sa 25-taong prangkisa sa House Committee on Legislative Franchises na pinamumunuaan ni Honorable Gus S. Tambunting, Representative ng 2nd District ng Paraรฑaque City. Nakapaloob ito sa House Bill No. 9147 na kung saan si Camarines Norte 1st District Representative Honorable Josefina B. Tallado ang nag-author.

Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng National Electrification Administration (NEA) na pinangungunahan ni Atty. Rossan S.J. Rosero-Lee, at ng Energy Regulatory Commission (ERC) na pinangungunahan naman ni Atty. Maria Adela C. Ching bilang mga resource person.

Dumalo sa pagdinig ang General Manager ng CANORECO na si GM Zandro R. Gestiada, at ang Pangulo ng Board of Directors na si Director Allan V. Ojas, kasama ang mga Department Manager ng kooperatiba. Pinangunahan ni GM Gestiada ang pagsagot sa mga katanungan ng komite patungkol sa operasyon ng kooperatiba.

Sa pagbubukas ng sesyon, si PHILRECA Party-list Representative Honorable Presley C. De Jesus ang tumulong sa paghahanda sa CANORECO Team. Binasa niya ang Executive Summary ng CANORECO na naglalaman ng kasalukuyang operasyon at tagumpay ng kooperatiba. Ipinakita rito ang mga pagsusumikap ng CANORECO na patuloy na maghatid ng de-kalidad na serbisyo ng kuryente sa mga Member-Consumer-Owner sa lalawigan ng Camarines Norte.

Tumulong naman si APEC Party-list Representative Honorable Sergio C. Dagooc sa pagpapaliwanag sa ilang mga isyu patungkol sa mga Electric Cooperative (EC) at linawin ang ilang maling akala patungkol sa pinansyal na aspeto ng mga kooperatiba.

Sa pagtatapos ng pagdinig, tinanong ni Honorable Tambunting ang mga kinatawan ng NEA at ERC kung inirerekomenda nila na mabigyan ng 25 taong prangkisa ang CANORECO upang magpatuloy sa pagtatayo, pag-iinstall, pagtatatag, pagpapatakbo, pagmamay-ari, pamamahala at pagpapanatili ng mga distribution system na paghahatid ng kuryente sa mga Member Consumer Owners sa lalawigan ng Camarines Norte.

Parehong sumang-ayon ang mga kinatawan ng NEA at ERC dahil nararapat itong bigyan ng 25-taong prangkisa batay sa magandang record at pamumuno ng CANORECO. Pinuri nila ang matatag na performance ng kooperatiba na nagpapatunay sa kakayahan nitong magpatuloy sa pagbibigay ng maaasahang serbisyo ng kuryente sa kanilang nasasakupan.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang pagdinig na ito na siyang unang hakbang upang makakuha ng 25 taong prangkisa ang CANORECO para sa operasyon nito sa lalawigan ng Camarines Norte. Ang tagumpay na ito ay para sa lahat ng mga Member Consumer Owner na makakaasang patuloy na magiging maganda ang serbisyo ng kooperatiba para sa kanila.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph.