Ipagpapaliban muna ang District Elections at kakanselahin naman ang Annual General Membership Assembly (AGMA) ng CANORECO ngayong taong 2020.
Ang dalawang nasabing aktibidad ay karaniwang ginaganap tuwing Hulyo at Agosto ng taon. Ngunit dahil sa Memorandum No. 2020-017 ng National Electrification Administration (NEA) noong Abril 14, 2020, lahat ng District Elections na itinakda para sa taong 2020 ay ipinagpapaliban at ang pagsasagawa naman ng AGMA para sa parehong taon at iba pang kaparehong aktibidad ay kinakansela.
Alinsunod din sa NEA memorandum na ito, ang budget na nakalaan sana para sa mga naturang aktibidad ay maaaring gamitin na working capital upang matiyak ang pagpapatuloy ng operasyon at ng Cooperative Social Responsibility (CSR) programs ng mga electric cooperative (EC) gaya ng “Pantawid Liwanag” para sa mga Lifeline member-consumer-owner (MCO).
Maaalalang nagbigay ng libreng kuryente ang CANORECO sa mga “Lifeliner” nito o iyong kumukonsumo ng 20kWh pababa, at sa mga Senior Citizen na naaprubahan o nakapag-renew ng kanilang aplikasyon bago magdeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon noong Marso 2020.
Bukod dito, pinaalalahanan ang mga EC na ang isang Direktor, upang manatili sa kanyang posisyon, ay dapat na mapanatili ang lahat ng mga kwalipikasyon at hindi magkasala sa buong termino ng kanyang panunungkulan. Ito ay batay sa Republic Act (RA) 10531 o “NEA Reform Act of 2013” at sa Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.
Ang mga direktibang ito ay bunsod ng Proclamation Nos. 922 at 929 noong March 8, 2020 at March 16, 2020 na nagdeklara na ang bansa ay under a state of calamity, ng Republic Act (RA) No. 11469 o “Bayanihan to Heal as One Act” noong March 24, 2020, at ng mga rekomendasyon mula sa Department of Health (DOH) na iwasan ang pag-aayos at pakikilahok sa mga okasyong dinadaluhan ng maraming tao upang maiwasan ang pagkalat ng pandemyang COVID-19.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Institutional Services Department (ISD) sa cellphone nos. 09081865100 at 09274974575 at landline no. 054-5713796.

