CANORECO Balita

BAKIT NGA BA TUMAAS ANG SINGIL SA KURYENTE PARA SA BUWAN NG SETYEMBRE 2022

Nagkaroon ng pagtaas sa singil ng kuryente para sa September 2022 billing. Mula sa Php 14.8432 per kwh na residential rate noong August 2022 billing, ito ay naging Php 16.7227 per kwh ngayong September 2022 billing. Ang kasalukuyang low voltage rate ay Php 15.7691 samantalang Php 14.0421 per kwh naman ang high voltage rate. Sa pangkalahatan, nagkaroon ng pagtaas na umaabot sa Php 1.8795 per kwh kumpara sa nakaraang August 2022 billing.
Ang madalas na tanong ng mga member-consumer-owners (MCOs), bakit nga ba tumaas ang singil sa kuryente para sa buwan ng Setyembre 2022? Nagkaroon ng pagtaas sa Blended Generation Charge o ang pinagsamang generation rate ng kinuhang supply mula kay Therma Luzon, Inc. at sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) na umabot sa Php 10.32145 per kwh ngayong buwan mula sa Php 8.7062 noong August 2022 billing. Ito ay epekto ng 23.56% na pagtaas ng Fuel Cost (Coal Price), isang pass-through cost na binabayaran ng CANORECO sa Therma Luzon, Inc. (TLI). Ito ay kumpara sa Blended Generation Charge noong July 2022 na Php 7.0464 at August 2022 na Php 8.7062 lamang. Bukod dito, naitala din ang mas mataas na inflation rate sa pamamagitan ng Consumers Price Index (CPI) na 115.86 para sa September 2022 billing kumpara sa 110.6 noong August 2022. Kasunod nito ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar, $1 = Php 58.940. Ang coal na isa sa mga pangunahing kailangan upang makapagproduce ng kuryente ay binibili natin mula sa ibang bansa.
Samantala, bukod sa Blended Generation Charge, naitala din ang pagtaas ng System Loss Charge, Senior Citizen Subsidy, Lifeline Subsidy at generation Rate Adjustment Mechanism (GRAM)/Incremental Exchange Rate Adjustment (ICERA) para sa September 2022 billing. Ang mga nabanggit sa itaas ay syang mga dahilan kung bakit tumaas ang presyo ng kuryente. Subalit higit sa mga nabanggit na pagtaas, nais ipabatid ng kooperatiba na hindi lahat ng ibinabayad ng mga member-consumer-owners (MCOs) ay napupunta sa CANORECO.
Karamihan dito ay mga pass-on charges na kinukolekta lamang ni CANORECO at ibinabayad o inireremit sa power supplier at iba’t-ibang ahensya katulad ng Therma Luzon, Inc. (TLI), National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at NPC/Power Sectors Asset and Liabilities Management Corp. (PSALM). Tanging ang Php 1.61 per kwh lamang na Distribution, Supply & Metering Charges (DSM) ang napupunta sa kooperatiba upang gamitin sa mga gastusin para sa operasyon ng CANORECO. Simula taong 2012 hanggang sa kasalukuyan, nanatiling Php 1.61 per kwh ang DSM charges ng CANORECO.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Institutional Services Department (ISD) Office sa cellphone nos. 09081865100 at 09560525608 at landline number 054-5713717.