CANORECO Balita

Pantawid Liwanag Program, Ipinagpapatuloy ng CANORECO

Bilang pagtugon sa programang inilunsad ng National Electrification Administration (NEA), Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA), One EC-MCO Movement at One EC Network Foundation, ang CANORECO ay nagbigay ng tulong sa mga Lifeline Member Consumer Owners (Lifeline MCOs) at mga Senior Citizen MCOs noong March at April 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.

Tinawag ang programang ito na PANTAWID LIWANAG PROGRAM (PLP) na target tulungan ang mga MCO na kapus-palad at nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Dalawang taon na ang nakalilipas nang magsimula ang nasabing krisis, ngunit dahil hindi pa rin ito natatapos, ang PLP ay ipinagpapatuloy ng mga electric cooperatives sa buong bansa.

Sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng mga Municipal Social Welfare and Development Offices (MSWDOs) sa lalawigan ng Camarines Norte na siyang namili ng mga benepisyaryo, naisagawa ng CANORECO ang Payout ng Pantawid Liwanag (PL) 3 at Pantawid Liwanag (PL) 4 noong March 15 at March 16, 2022. Nagbigay ng cash assistance sa mga benepisyaryong MCOs na malaking tulong pandagdag pambayad sa kanilang mga gastusin.

Isinagawa ang Payout ng PL3 sa Basud Old Sports Complex para sa mga benepisyaryo mula sa mga bayan ng Basud, Capalonga at San Lorenzo Ruiz. Samantala, isinagawa naman ang Payout ng PL4 sa Daet Municipal Covered Court para sa mga benepisyaryo mula sa mga bayan ng Daet, San Vicente, Sta. Elena, Paracale, San Lorenzo Ruiz at Talisay.

Dumalo sa nasabing aktibidad sina CANORECO Director Engr. Edwin Lamadrid ng Paracale, Director Bartolome Armin Nieva ng Talisay-San Vicente at Caretaker ng Basud, at Director Engr. Fernando Cruz ng San Lorenzo Ruiz-Daet South at Caretaker ng Daet North.

Sa kasalukuyan ay pinaghahandaan na ng kooperatiba ang susunod na PLP, ang Pantawid Liwanag 5.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph